Pasensya na sa mga naghihintay

Pasensya na sa mga naghihintay

Hindi ako matalas pag-alala ng mga petsa. Noon, nagalit siya sa akin kung bakit nakakalimot raw ako, kung bakit tila hindi ko raw pinahahalagahan ang mismong mga araw na iyon na dapat naming ipagdiwang o alalahanin.

Kaya rin siguro mahina ako sa history. Kasi, parati nalang petsa ang dapat i-sagot sa mga exam. Natatandaan ko ang mga kuwento, mga matatalas na salita, pati na rin ang mga detalye, itsura at kung paano nangyari. May visual image lang akong nakikita, pero hindi ko masipat kung nasaang bahagi doon nakasulat mga numero, buwan at taon.

O kaya kung bakit din ako parating nahuhuli. Parati akong huli sa mga tagpuan, pasok, trabaho, pulong, kitaan, pati date.

Malamang dahil binibilang ko lang ang panahon sa mga sandali, hindi minuto kundi, sa mga sandaling ramdam na ramdam ko ang mga pinakamaiigting na emosyon. Lahat ng iba pa ay tila mga tulay sa susunod na paglagpak o pagsikad papalipad.

Kaya muli, paumanhin na sa mga naghihintay, nagbibilang at nagmamadali.

———————————————————

Muli akong maglalathala ng isang berso mula sa imbakan. Minsang kinimkim ngunit matagal nang napamahayan ng agiw at nawalan ng saysay. Pasensya na sa mga naghihintay, pero ngayon lang mapapakawalan ang mga bersong minsan kong inangkin at ikinulong bilang segundo. (smiley)

Pagkagulat (Isang Segundo)

(2006)

i.

(Kanina pa ako nakatitig sa kawalan.

Paulit-ulit kong kinakabisado ang anyo

ng lalaking kilalang-kilala ko.

Ang wangis ng mukha, tapyas ng buhok,

kurba ng braso, taludtod ng likod, kumpas ng katawan,

paraan ng paglalakad. Kilalang-kilala ko siya.

Bakit nga ba hindi kita kasama ngayong gabi?)

ii

Isang segundo.

sumabog ang puting ilaw sa palibot ng paningin kong

kanina’y tuwid na tuwid ang pagkakatitig sa kawalan.

Pagkagulat.

sa kaunting pagpitik ng pilik-mata,

naaninag ko ang lalaking kilalang-kilala ko,

at ang babaeng hindi naman ako

na naglalakad sa rutang araw-araw kong nilalakaran

kasama ang lalaking kilalang-kilala ko.

Hinto. Gulat!

Hikbi.

iii.

sigurado akong ikaw ‘yon sa kilos at paglalakad mo.

hindi kita abot ngunit nagkatitigan tayo.

Kalahating segundo,

takot ang mga mata mong dati’y

malalim, maningning, malambing na tumititig sa akin

habang nakadampi ang kamay ko sa itaas ng iyong braso

Gulat!

dama ko ang paglalakad sa rutang

araw-araw kong nilalakaran sa iyong tabi,

Pagkapatid.

ang init ng kamay mong nakabuhol sa aking daliri

at ang paghakbang ng tsinelas natin habang naglalakad,

Panlalamig.

ang mga mata mong malalim, maningning,

at malambing na nakatitig sa akin,

Hinto.

Isang segundo, nagpatuloy ka sa paglalakad,

ang lalaking kilalang-kilala ko,

kasama ang babaeng hindi naman ako.

Nangyari ang lahat sa loob ng isang segundo.

Hinto.Hikbi.Paypay.Buntong-hininga.

*a repost from untold territories|unlimited


About this entry